Tuesday, August 26, 2014

Pang-siyam na taon ni Lagataw

Huwag mong i-selfie. Pagmasdan mong maigi.

Dear Charo,
Siyam na taon na ang nakalilipas simula nung ako’y dinala ng aking kaibigan sa kabundukan. Unang hakbang na nasundan ng may sandaang libo pa. Sa aking paglalakbay, marami akong naging mga kaibigan, pangalawang pamilya at pangalawang tahanan. Sa paglalakbay din na ito, marami akong natutunang aral sa buhay pati na mga pansariling kakayahan at limitasyon na dati rati’y di ko batid. Hindi ko sukat akalain na kaya ko palang matulog mag-isa sa kabundukan. Laking gulat ko rin nung nagsimula na akong tumakbo sa kabundukan ng may layong limampung kilometro o higit pa. At natanggap ko na rin na kahit anong pilit, hindi ko pa rin talaga masaulo ang karamihan sa camping knots.

Habang lumalakad ang panahon, ang mundo ko’y tila naiinat sa napakaraming sulok ng panahon kung saan nanatili ang mga taong aking nakasalamuha at mga lugar na aking napuntahan. Tila may bahagi sa akin na naghahangad na manatiling sariwa ang mga ala-alang ito. Ito marahil ang dahilan kung bakit di ko man lang naalintana na siyam na taon na pala ang nakaraan. Pakiramdam ko’y kahapon lang ang huling akyat namin ng mga Kuliglig. At si Alvin at Nixon ay inaasahan ko pa ring magyayayang pumanhik muli sa susunod na Sabado.  Ngunit kapag tumambad na ang realidad sa aking kamalayan, di ko maikailang halos limang taon na pala simula nung huli kaming magkasamasama ng mga Kuliglig sa bundok, si Nixon ay wala na, at si Alvin ay nasa ibang bansa na at kagaya ko na rin lang na patuloy na naninibugho sa tuwing may nakikitang larawan ng mga kaibigan sa kabundukan.

Ang Mt Lanaya sa may di kalayuan

Sa aking pangungulila Charo, ako’y nagtungong muli sa aking kanlungan dito sa Cebu noong nakaraang Lunes.  Tanghali na nung ako’y nakarating sa bahay ng pamilyang kumukupkop sa akin sa tuwing ako’y napapadpad sa paanan ng bundok ng Lanaya sa katimugang bahagi ng Cebu. Minabuti ko munang magpahinga mula sa apat na oras na biyahe. Tanaw ko ang dagat sa labas ng bintana at ang pagaspas ng alon sa dalampasigan ang siya namang naghele sa akin sa aking pagtulog.  Matapos ang isang oras ako’y ginising ni Kuya Rodel para mananghalian. Napakasarap ng tinolang isdang naghihintay sa akin sa hapag-kainan na sinabayan ng mainam na kwentuhan at kamustahan. Anim na buwan na rin ang nakalilipas simula nung huli akong dumalaw doon.
Ang aking bangka sa dalampasigan ng Alegria
Pagkatapos kong mananghalian, kinumusta kong muli ang aking bangkang nakaluklok lang sa silong ng bahay nina Kuya Rodel. Panatag ang dagat kaya napagpasyahan kong mamingwit. Sa ikatlong pagkakataon, nabigo pa rin akong makahuli ng isda. Marahil nabaling lang ang aking atensiyon sa ganda ng tanawin sa laot kaysa sa paghuli ng isda.

Sa wakas! Nakapag-camping muli!
Alas kuwatro nung sinundo ni Kuya Rodel ang kanyang mga anak  sa iskwela. Ako’y sumabay at namili ng pagkain sa bayan. Ilang minuto lang pagkabalik namin sa bahay ako’y nagtungo na sa burol na kung tawagin ng mga lokal na mamumundok ay ‘Windows Campsite’. Narating ko ang campsite bago dumilim. 
Mag-isa kong ninamnam ang sariwang hangin at ang ganda ng tanawin.  Tuwang-tuwa ako sa pagtatayo ng aking tent—bawat tusok ng pegs sa lupa, ramdam ko ang pananabik ng isang baguhang mamumundok sa kanyang unang akyat. At noong sinindihan ko na ang kalan wari’y isang genie na nakawala sa mahiwagang lampara ang ningas na nagbigay liwanag sa paligid. Labis ang aking galak sa mga sandaling iyon Charo. Pakiramdam ko’y nakapalibot lang sa liwanag ang aking mga dating kasamahan sa akyatan at nagkukwentuhan, nagbibiruan at nagtutugtugan. Isang ngiti ang pumakawala sa aking mga labi habang ako’y tahimik na nagninilay-nilay. 

Mag-isa akong nag-socials
Wala pang alas-diyes nung ako’y nagpasyang matulog. Tahimik ang gabi, tanaw ko sa bintana ng aking tent ang mga tala at dinig ko ang huni ng mga kuliglig sa paligid. Mahimbing ang aking tulog at mainam ang gising ko kinaumagahan. Habang pinagmamasdan ko ang dagat sa may di kalayuan hindi ko lubos maisip na may naghihintay na trabaho sa akin sa lungsod. Tapos na ang paglalakbay, oras na para haraping muli ang tunay na buhay. Ngunit isang tanong ang naglaro sa aking isipan habang nililigpit ko ang aking tent Charo. Alin nga ba ang tunay na buhay? Ito ba yung haharapin ko sa masalimuot na mundo sa lungsod o ito yung tinatalikuran kong payak na pamumuhay sa kabukiran?

Oras na para haraping muli ang tunay na buhay
Marahil sinadya ng tadhana na pansamatala akong naumay sa camping Charo. Sa ganoong paraan, natamo ko ang panibagong antas at kamalayan sa paglalakbay sa kabundukan. Napagtanto ko na kahit isang simpleng camping lang sa isang walang pangalan na burol ay nagiging makabuluhan dahil hindi na abala ang aking isipan sa pagnanais na may mapatunayan sa sarili at sa ibang tao. Sa pamamgitan nito, mas lubos kong napagmamasdan ang aking paligid at mas nalalalsap ko ang masarap na simo’y ng hangin. Hindi na abala ang aking mga kamay na kumuha ng mga litrato. Mas nais kong pagmasdan ang unti unting nagbabagong ganda ng kapaligiran kaysa ikulong ito sa apat na sulok ng litrato. Hindi na malaking isyu sa akin ang LNT. May mga pagkakataon nasusuway ko ang mga alituntunin ng LNT nang walang kalam at pagkabalisa dahil alam kong alam ko ang ginagawa ko. Hindi ko na hinahangad na mangolekta ng limampung bundok sa loob ng isang taon. Kontento na akong limampung beses kong puntahan ang kahit iisang burol na nakaukit na sa aking puso.  

At may kirot man sa aking puso, batid ko ang katotohanan na ang buhay, kagaya ng isang paglalakbay, ay isa ring paglisan. Dapat kong tanggapin na hindi ko kayang manatili sa Mt Timbak para pagmasdan ang paglaki nina Janelle at Harvey. Hindi ko magagawang alagaan si Nanay Lita na mag-isang nagbabantay sa tindahan niya sa may Buruwisan.  At marahil kakailanganin kong tanggapin na baka hindi na masilayan ni Tatay Lino ang aming mga litratong aking ipinangakong ibibigay ko sa kanya sa aking pagbabalik sa Barbazza. Subalit sa bawat paglisan, isang matamis na ala-ala ang manantiling buhay sa aking puso’t isipan.
Ganito ang buhay! Tuloy lang ang paglalakbay! Padayon Lagataw!

Lubos na gumagalang,

Lagataw

5 comments:

  1. Nice post Lagataw!!Hindi na din ako nakakapamundok dahil nasa ibang bansa na din ako...pero hindi ko pa din nakakalimutan ang lahat lalo na pag tumitingin ako sa mga naipon kong litrato..wala na din ako hangarin mangolekta ng bundok para lang may mapatunayan at maipost sa mga social networking sites..sapat na sa akin ang magtungo sa isang tahimik na parke at magmunimuni sa nakalipas at sa mga plano ko pa sa buhay.Aakyat pa din ako...magccamping pa din ako..ngunit para na lamang ito sa sarili kong kaligayahan...Graduate na ako sa mga yabangan sa akyatan..ayoko na din makipagunahan sa pagdating sa tuktok ng bundok..ang gusto ko lang ay simple, tahimik, at makabuluhang paglalakbay.Mabuhay ka Lagataw!! - Dom

    ReplyDelete
  2. Ang ganda po ng post nyo

    ReplyDelete
  3. Taon na ang nakalipas nang huling maputikan ang aking mga panyapak. Taong 2007 nang ako'y unang mahumaling sa kalinangan ng pag-akyat. Mula noo'y mas lalo kong minahal ang aking inang bayan, ang inang kalikasan at ang pagkakaibigan. Papuri at parangal ang aking nais ibigay sa iyo katotong Lagataw. Nawa maipalaganap pa natin ang pagsusumamo ng inang kalikasan na siya'y tantanan ng mga taong sa kanya ay nanggagahasa't lumalapastangan.

    ReplyDelete
  4. Sarap ulit-uliting basahin.hehe

    ReplyDelete
  5. Kahit ilang ulit basahin, nakakaiyak parin 😭😭😭

    ReplyDelete

YOU deserve a holiday!

Booking.com
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...