Huwag mong i-selfie. Pagmasdan mong maigi. |
Dear Charo,
Siyam na taon na ang nakalilipas simula nung ako’y dinala ng aking kaibigan sa kabundukan. Unang hakbang na nasundan ng may sandaang libo pa. Sa aking paglalakbay, marami akong naging mga kaibigan, pangalawang pamilya at pangalawang tahanan. Sa paglalakbay din na ito, marami akong natutunang aral sa buhay pati na mga pansariling kakayahan at limitasyon na dati rati’y di ko batid. Hindi ko sukat akalain na kaya ko palang matulog mag-isa sa kabundukan. Laking gulat ko rin nung nagsimula na akong tumakbo sa kabundukan ng may layong limampung kilometro o higit pa. At natanggap ko na rin na kahit anong pilit, hindi ko pa rin talaga masaulo ang karamihan sa camping knots.
Habang lumalakad ang panahon, ang mundo ko’y tila naiinat sa napakaraming sulok ng panahon kung saan nanatili ang mga taong aking nakasalamuha at mga lugar na aking napuntahan. Tila may bahagi sa akin na naghahangad na manatiling sariwa ang mga ala-alang ito. Ito marahil ang dahilan kung bakit di ko man lang naalintana na siyam na taon na pala ang nakaraan. Pakiramdam ko’y kahapon lang ang huling akyat namin ng mga Kuliglig. At si Alvin at Nixon ay inaasahan ko pa ring magyayayang pumanhik muli sa susunod na Sabado. Ngunit kapag tumambad na ang realidad sa aking kamalayan, di ko maikailang halos limang taon na pala simula nung huli kaming magkasamasama ng mga Kuliglig sa bundok, si Nixon ay wala na, at si Alvin ay nasa ibang bansa na at kagaya ko na rin lang na patuloy na naninibugho sa tuwing may nakikitang larawan ng mga kaibigan sa kabundukan.
Ang Mt Lanaya sa may di kalayuan |
Sa aking pangungulila Charo, ako’y nagtungong muli sa aking
kanlungan dito sa Cebu noong nakaraang Lunes. Tanghali na nung ako’y nakarating sa bahay ng
pamilyang kumukupkop sa akin sa tuwing ako’y napapadpad sa paanan ng bundok ng
Lanaya sa katimugang bahagi ng Cebu. Minabuti ko munang magpahinga mula sa apat
na oras na biyahe. Tanaw ko ang dagat sa labas ng bintana at ang pagaspas ng
alon sa dalampasigan ang siya namang naghele sa akin sa aking pagtulog. Matapos ang isang oras ako’y ginising ni Kuya
Rodel para mananghalian. Napakasarap ng tinolang isdang naghihintay sa akin sa
hapag-kainan na sinabayan ng mainam na kwentuhan at kamustahan. Anim na buwan
na rin ang nakalilipas simula nung huli akong dumalaw doon.
Ang aking bangka sa dalampasigan ng Alegria |
Pagkatapos kong mananghalian, kinumusta kong muli ang aking
bangkang nakaluklok lang sa silong ng bahay nina Kuya Rodel. Panatag ang dagat
kaya napagpasyahan kong mamingwit. Sa ikatlong pagkakataon, nabigo pa rin akong
makahuli ng isda. Marahil nabaling lang ang aking atensiyon sa ganda ng tanawin
sa laot kaysa sa paghuli ng isda.
Sa wakas! Nakapag-camping muli! |
Alas kuwatro nung sinundo ni Kuya Rodel ang kanyang mga anak
sa iskwela. Ako’y sumabay at namili ng
pagkain sa bayan. Ilang minuto lang pagkabalik namin sa bahay ako’y nagtungo na
sa burol na kung tawagin ng mga lokal na mamumundok ay ‘Windows Campsite’.
Narating ko ang campsite bago dumilim.
Mag-isa kong ninamnam ang sariwang hangin
at ang ganda ng tanawin. Tuwang-tuwa ako
sa pagtatayo ng aking tent—bawat tusok ng pegs sa lupa, ramdam ko ang pananabik
ng isang baguhang mamumundok sa kanyang unang akyat. At noong sinindihan ko na
ang kalan wari’y isang genie na nakawala sa mahiwagang lampara ang ningas na
nagbigay liwanag sa paligid. Labis ang aking galak sa mga sandaling iyon Charo.
Pakiramdam ko’y nakapalibot lang sa liwanag ang aking mga dating kasamahan sa
akyatan at nagkukwentuhan, nagbibiruan at nagtutugtugan. Isang ngiti ang
pumakawala sa aking mga labi habang ako’y tahimik na nagninilay-nilay.
Mag-isa akong nag-socials |
Wala pang alas-diyes nung ako’y nagpasyang matulog. Tahimik
ang gabi, tanaw ko sa bintana ng aking tent ang mga tala at dinig ko ang huni
ng mga kuliglig sa paligid. Mahimbing ang aking tulog at mainam ang gising ko kinaumagahan.
Habang pinagmamasdan ko ang dagat sa may di kalayuan hindi ko lubos maisip na
may naghihintay na trabaho sa akin sa lungsod. Tapos na ang paglalakbay, oras na
para haraping muli ang tunay na buhay. Ngunit isang tanong ang naglaro sa aking
isipan habang nililigpit ko ang aking tent Charo. Alin nga ba ang tunay na
buhay? Ito ba yung haharapin ko sa masalimuot na mundo sa lungsod o ito yung
tinatalikuran kong payak na pamumuhay sa kabukiran?
Oras na para haraping muli ang tunay na buhay |
Marahil sinadya ng tadhana na pansamatala akong naumay sa
camping Charo. Sa ganoong paraan, natamo ko ang panibagong antas at kamalayan
sa paglalakbay sa kabundukan. Napagtanto ko na kahit isang simpleng camping
lang sa isang walang pangalan na burol ay nagiging makabuluhan dahil hindi na
abala ang aking isipan sa pagnanais na may mapatunayan sa sarili at sa ibang
tao. Sa pamamgitan nito, mas lubos kong napagmamasdan ang aking paligid at mas
nalalalsap ko ang masarap na simo’y ng hangin. Hindi na abala ang aking mga
kamay na kumuha ng mga litrato. Mas nais kong pagmasdan ang unti unting
nagbabagong ganda ng kapaligiran kaysa ikulong ito sa apat na sulok ng litrato. Hindi na malaking isyu sa akin ang LNT. May mga pagkakataon nasusuway ko ang mga alituntunin ng LNT nang walang kalam at pagkabalisa dahil alam kong alam ko ang ginagawa ko. Hindi ko na hinahangad na mangolekta ng limampung bundok sa loob ng isang taon.
Kontento na akong limampung beses kong puntahan ang kahit iisang burol na nakaukit
na sa aking puso.
At may kirot man sa aking puso, batid ko ang katotohanan na ang buhay, kagaya ng isang paglalakbay, ay isa ring paglisan. Dapat kong tanggapin na hindi ko kayang manatili sa Mt Timbak para pagmasdan ang paglaki nina Janelle at Harvey. Hindi ko magagawang alagaan si Nanay Lita na mag-isang nagbabantay sa tindahan niya sa may Buruwisan. At marahil kakailanganin kong tanggapin na baka hindi na masilayan ni Tatay Lino ang aming mga litratong aking ipinangakong ibibigay ko sa kanya sa aking pagbabalik sa Barbazza. Subalit sa bawat paglisan, isang matamis na ala-ala ang manantiling buhay sa aking puso’t isipan.
Ganito ang buhay! Tuloy lang ang paglalakbay! Padayon
Lagataw!
Lubos na gumagalang,
Lagataw