Thursday, March 31, 2011

KAILANGAN MO BANG MAG-BMC?

ANG SABI NG ANGHEL

PART ONE: HUWAG BAGUHIN ANG PISIKAL NA ASPETO NG IYONG SARILI
Sisimulan ko ang sagot sa pamamagitan ng isang munting anekdota! Linggo po nung sinamahan ko ang grupong Sabiterz Tribe sa Mt Makiling. Sumabak kami sa isang ekspedisyong kung tawagin ay MakTrav noong ika-13 ng Marso ng taong kasalakuyan. Nagsimula kami sa Sto Tomas, Batangas at lumabas sa  UP Los Baños sa Laguna. Nung paakyat na kami sa bahaging kinatatayuan ng Haring Bato, may naabutan kaming isang magkakamag-anak na hirap na hirap sa pag-akyat. Ang mag-anak ay binubuo ng tatlong kalalakihang edad kwarenta hanggang singkwenta, isang ina, isang dalagita at isang binatilyo. Halatang physically fit ang lahat ngunit sa kanilang mga maong, at sa mga tatak na Adidas, Nike at Jansport sa kanilang mga kagamitan, hindi maipagkakailang baguhan sila sa kabundukan. Nang amin silang alalayan, napag-alaman naming kumuha pala sila ng local guide sa Sto Tomas. Pagdating sa Melkas Ridge, sinabi sa kanila ng guide na malapit na lang daw ang kabila (Los Baños) at madali na lang daw ang trail. Kabalintuan ang pahayag na ito ng guide sapagkat ang pinakamahirap na bahagi ng paglalakbay sa Bundok Makiling ay yung banda pagkalampas ng Melkas Ridge hanggang sa Peak sa Los Baños. Ngunit pagdating nila sa Los Baños Peak, wala na silang tubig. Maswerte ang pamilya at maraming mountaineers ang nagtungo noon sa Bundok Makiling. Inalalayan sila hanggang sa pagbaba sa Los Baños. Sa kabila ng hirap at pagod na kanilang dinanas, may mga nakilala silang bagong kaibigan. Sa katunayan, naging bahagi na ng Sabiterz Tribe ang dalagita pagkatapos ng akyat nilang yun sa Bundok Makiling.
photo courtesy of Mtr Edwin Gatia
Ngayon, ano ang papel na ginagampanan ng BMC sa ganitong pangyayari. Ang LAGATAW-BMC ay nagsisimula sa pagsasaliksik o RESEARCH. Sa pamamagitan ng research, nalalaman mo ang  transportasyon at ang topograpiya sa pupuntahang lugar. Matatantya mo kung anong uri ng kasuotan ang nababagay sa lugar na pupuntahan at kung gaano kadaming tubig at pagkain ang sapat sa paglalakbay sa partikular na lugar.  Sa pamamagitan din ng RESEARCH malalaman kung anong paghahanda o training ang naangkop sa paglalakbay. Pagkatapos ng RESEARCH, pwede mo nang ibalangkas ang iyong ITINERARY. Hindi ko muna ilalahad ang kabuuan ng LAGATAW-BMC. Ang punto ko lang ay, kung nagsagawa sana ng wastong pagsasaliksik ang pamilya, hindi sana sila mapapaniwala ng guide na marahil ay naiinip at tinatamad lang sa bagal ng kanilang pacing. Malalaman sana nila na hindi pang-beginners ang MakTrav. Malalaman sana nila ang angkop na paghahanda at kagamitan na dadalhin sa kagubatan. Kapag  binalewala mo ang pagsasaliksik, maaring mabago ang iyong pisikal na anyo. Maaring maputulan ka ng daliri, paa o di kaya’y mawalan ng mata o mamatay! Napakahalagang bahagi ng paglalakbay ang pagsasaliksik. Ito ang pundasyon ng mainam na pagtungo sa destinayon at pagbalik sa pinanggalingan!

PART TWO: HUWAG BAGUHIN ANG PISIKAL NA ASPETO NG PUPUNTAHANG LUGAR
the lead pack waiting for the tail
Pag dating namin sa Los Baños Peak, may nadatnan kaming isang grupo ng mga kalalakihang nasa kanilang early 20’s. Kasalukuyan silang nagluluto ng kanilang pananghalian gamit ang panggatong na  nakasilid pa sa isang sakong inakala kong naglalaman ng baboy na kakatayin. Pabulong na sinabi sa akin ni Sir Eduardo Bedural “Sana walang maiwang kalat!”. Pagkalipas ng isang oras, nasa Station 17 na ako kasama ang lead pack ng grupong Sabiterz. Sa kagustuhan kong hanapin ang short cut papuntang Arts Center habang may liwanag pa, pahapyaw na ipinaramdam ko ang aking pagmamadali sa tumatayong lider ng Sabiterz na si Sir Bhenjo Bernardo. Niradyohan ni Sir Bhenjo ang tail pack at sinabihang magmadali. Sa pagmamadali ko, napagpasyahan naming hindi na lang sila hitayin at mag-iwan na lng ng palatandaan sa nakakalitong bahagi ng trail. Gumamit ng mga bato, dahon at sanga upang masigurong mapansin ng tail pack ang palatandaan kung saan ang tamang trail. Hindi pa ako nakontento at ikiniskis ko ang aking sapatos sa lupa upang mag-iwan ng skid-mark na nakaturo sa tamang trail!
Ano naman ang kinalaman ng BMC sa mga insidenteng nabanggit? Malaki! Ang BMC ay naglalayong mapangalagaan ang kalikasan at anumang lugar na tutunguhin ng isang manlalakbay. Ang mumunting wrapper ng kendi na iniwan ng isang iresponsableng manlalakbay ay nagiging isang dosenang plastik na retaso kapag tinularan ng iba ang masamang Gawain! Ang problema sa basura ay hindi lang kaugnay ng pagkasira sa pisikal na anyo ng bundok o lugar. Malaki ang nagiging epekto nito sa buhay ng mga halaman at hayop sa habitat na pinag-iwanan ng basura! Ang pagkiskis ng sapatos naman sa lupa ay nag-iiwan ng isang malalim na sugat sa lupa na hindi basta basta lang natatanggal sa pamamagitan ng mekanikal na pagbura nito. Kabilang din sa kamaliang ito ang paggawa ng mga trench sa gilid ng tent para ilihis ang daloy ng tubig-ulan. Ang kagandahan ng kalikasang tinatamasa sa kasalukuyan ay maaring biyaya ng mga nagdaan nang responsableng mountaineers. Maari ding biyaya ito ng kalikasan dahil hindi pa ito nagagambala ng sinumang mortal! Huwag sana nating hayaan na ang maibabahagi lang natin sa mga susunod na henerasyon ay pangungulila sa  minsa’y napakagandang tanawin!

PART THREE. HUWAG BAGUHIN ANG PISIKAL NA ASPETO NG MGA NILALANG NA MADADATNAN AT MAKAKAHALUBILO SA PUPUNTAHANG LUGAR
Sabiterz Tribe
Sa aking pagmamadali, nakalimutan ko nang hindi ko pala nabigyan ng sapat na pahinga ang aking mga kasama. Isang mahalagang parte ng paglalakbay ang pagpapahinga. Sa halip ay lalo ko pa silang pinagod at pinagmadali. Ang pagod ay nakakaapekto sa balance ng isang naglalakbay. Ang pagod ay nagsisilbi ding mitsa sa isang mainit na argumento! Ang pagmamadali ay maaring magresulta sa injury sa mga kasamang hindi kasingbilis ng lead pack.
Pagkalampas ng lead pack sa Agila Base, nagsimula nang mag-trail running ang tatlong kalalakihan at iniwang mag-isang naglalakad sa trail si Mam Loida. Lingid sa aking kaalaman ang panganib na kinahaharap ng isang babaeng mag-isang naglalakad sa trail habang padilim nang padilim. Hindi ko na inisip na may posibilidad pala siyang pagsamantalahan ng mga taong maaaring nakamasid lang sa tabi at naghihintay ng kanyang biktima!
Ang BMC ay gumagabay sa isang expedition leader upang siya’y maging responsible at nang walang masamang mangyari hindi lang sa sarili niya kundi pati na rin sa mga kasamahan niya!
Ang isang responsableng expedition leader ay iniisip muna ang kapakanan ng kanyang mga kasapi bago ang mga shortcut at unahan sa liguan at pahabaan ng pahinga! Ikaw na ang mabilis, malupit at mabangis! Wag mo naman sana ipahamak at pahirapan ang mga isinama mo! Kaya’t idadaan ko na lang sa lathalaing ito ang paghingi ko ng paumanhin kina Ser Nathan, Sir Rain at Mam Loids!

Batay sa mga nabanggit na kaganapan sa taas. Hindi maitatangging mainam kung may BMC ang isang taong sasabak sa paglalakbay sa kabundukan. Ang kabundukan ay hindi kagaya ng beach kung saan madaling makahingi ng tulong sa oras ng sakuna. Hindi rin ito kagaya ng beach na may mga taong na ninirahan na pwedeng mag-alaga at agarang tumugon sa anumang problema sa basura at pagkasira ng kapaligiran. Nakasalalay sa nilalalang na naglalakbay sa kabundukan hindi lang ang katiwasayan at kaligtasan ng sarili niya at ng mga kasama niya kundi pati na rin ang pagpapanatili o di kaya’y ang pagkasira ng kabundukan

Sa sususnod na post, malalaman  niyo ang sasabihin ng isang Devil’s Advocate!

3 comments:

  1. hello,
    good morning, we are looking for somebody could guide as @ mt. maktrav. bago palang po kami on this kind of activity, but we already finished the peak2 @uplb trail LAST 27 OF APRIL 2013.

    hoping for ypur reply sir.

    thaks and GODBLESS

    ReplyDelete
  2. Unfortunately, Cebu-based na po ako. But my my friends there might have the time to accompany you. Get in touch with Kevin Jauod on Facebook. Namimiss niya na ang MakTrav.

    ReplyDelete
  3. hello,
    good afternoon..... me po ung nag ask ng assistant last may7 for maktrav,.
    by the way, thanks for your blog lalo po kasi kaming na inspire na umakyat at un po ang nag guide sa min.... and finally we did our maktrav last 17 of may. me and my friends did really enjoy..... our next destination is mt. BATULAO or mt. KALISUNGAN.

    GOD bless and more power.....

    ReplyDelete

YOU deserve a holiday!

Booking.com
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...